Linggo, Hulyo 3, 2016

artikulo tungkol sa wika

Artikulo Tungkol sa Wika
        “Ang wika ay isang sistema ng mga sagisag na binubuo ng mga tunog o kaya ay mga pasulat na letra na iniuugnay natin sa mga kahulugang nais nating ipabatid sa ibang tao”, ayon kay Emmert at Donagby. Ngunit sa lingguwistikong paliwanag, “tinatawag na wika ang sistema ng arbitraryong pagpapakahulugan sa tunog at simbolo, kodipikadong paraan ng pagsulat, at sa pahiwatig ng galaw o kilos ng tao na ginagamit sa komunikasyon” , ayon kay Bloch at Trager; Peng. Ang wika ay ang ginagamit ng mga tao upang makipag-komunikasyon. Pabago-bago o paiba-iba ang wika depende sa pook, panahon, at kulturang kinabibilangan ng tao.

        Maraming gamit ang wika. Isa na dito ang paggamit sa imahinatibong pagsulat. Nagagamit ang wika sa imahinatibong pagsulat sa pamamagitan ng tula, kwento, at iba pang akdang pampanitikan. Magagamit natin ang wika kahit pasalita o pasulat man yan.

        May dalawang kategorya ang wika. Ang pormal at di-pormal. Maituturing nating pormal ang isang wika kung ito ay ginagamit ng karamihan. Maituturing din nating di-pormal ang isang wika kung ito ay madalas na ginagamit sa pang-araw-araw na pakikipagtalastasan.

        Meron tayong tinatawag na Wikang Pambansa, Wikang Opisyal, at Wikang Panturo. Ang Wikang Pambansa ay ang pang-araw-araw nating ginagamit na wika. Nagkaroon ito ng tatlong wika, ang Wikang Tagalog, Pilipino, at Filipino. Naging Wikang Tagalog ang wikang pambansa dahil ito ang napagkasunduan noon. Pagkatapos ng ilang taon, ito ay naging Wikang Pilipino na tumutukoy mismo sa mga taong nasa Pilipinas. Ilang taon din ang nakalipas, pinalitan din ito ng Wikang Filipino at hanggang ngayon ay ito parin ang ating wikang pambansa. Ang Wikang Opisyal ay ang wikang ginagamit ng mga pulitiko o sa pamahalaan. Ang Wikang Panturo naman ay ang wikang ginagamit sa pagtuturo sa paaralan. Ang tatlo ay may pagkakatulad. May ibang salita sa wikang pambansa na ginagamit sa wikang opisyal at wikang panturo at vice versa.


        Mahalaga ang wika upang magkakaintindihan tayo. Wika din ang pinakamahalagang sangkap at ugnayan sa pakikipagkapwa-tao. Kahit na sa anumang anyo ito, pasulat o pasalita, hiram o orihinal, banyaga o katutubo, wika ang pinakamabisang sangkap sa paghatid ng diwa, kaisipan, at damdamin natin. Ayon kay Lachica, maging ang kultura ng isang panahon, pook, o bansa ay muling naipahahayag sa pamamagitan ng wika.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento